Sa may dulo, malapit sa malaking tubo ng MWSS, sa tabing estero ang tarima ni Pareng Epok. Doon ko siya pinuntahan dahil sa binenta niyang dobol dek na kama na ilalagay ko sa kwarto ng mga bata. Kulang pala ng paa yung kama ng aming inasembol kaya't hahabulin ko sa kanya.Isang maliit na dampa ang kanyang tarima sa paligid ng iba't iba pang dampa sa lugar ng mga iskwater na nagsipagtirik sa tagiliran ng masukal na estero. Pagkabukas niya ng pintong lawanit ay para siyang nagulat ng ako ay makita.
Sinabi ko ang aking pakay at ako ay kanyang pinapasok at inalok mag-dyaming. Natawa lamang ako at marahan kong tinanggihan ang kanyang alok at patawa kong sinabi na katatapos ko lamang.
Noon lamang ako nakasaksi ng gumagamit ng shabu. Kung baga ay nasa ringside ako ng labanan!
Si Jun 'Pilay' ang kadyaming niya, isang barangay tanod sa aming lugar.
Pinagmamalaki pa ni Pareng Epok ang kanyang tooter. Isang tubong kristal o yari sa salamin na may lagayan ng tubig sa may gitna. Nakakaipon raw ito ng mga residue sa gitna na maaaring pakinabangan pang muli.
Ngayon lamang ako nakasaksi ng paggamit ng "shabu" o "bato" at sa aking palagay, dahil sa kagaanan ng loob ni Pareng Epok sakin ay may hinala siya na user din ako. Sa pakiwari ko ay
hinuhuli niya ang loob ko kung bibigay ako at aamin na gumagamit din ako ng shabu.
Dalawa sila ni Pilay na naghalinhinan sa pagsinghot ng usok mula sa isang palarang nakatupi na kung saan nakasalo ang mga "granules". Pabalik-balik ang nakasinding lighter sa ilalim, habang nilulusaw ng init at umuusok ang mga maliiit na bato na siya namang sinisinghot gamit ang tooter.
Solve na sila at mukhang mga high na high na ng ako ay lumisan ng mga alas-sais na ng gabi.
Wala na namang tulugan ang mga aswang na ito at sa malamang ay susundutin pa nila ang tama nila ng bilog o grandma mamaya sa kanto para lalong maenjoy nila ang byahe.
Sanay na akong matagayan kapag napadaan ako sa kanilang mga umpukan tuwing gabi. Sadyang pakikisama na lamang ang buhay dito sa barangay. Ang tanging kinatatakot ko lamang ay baka mabuyo nila ang aking mga anak na walang kamuang-muang sa mga bisyong ito.
Ganito sa kanila ang buhay- ang tarima ang tahanan. Marami sa kanila hiwalay sa asawa at nagkakapalitan pa! Pa "placing-placing" na lang, pa-alok alok na lamang ng kung anu-anong bagay, nakaw man o hindi, basta't pagkakaperahan.
Mas mahalaga sa kanila ang maka-iskor ng datong na pambili ng gamit bukas kaysa sa ano mang bagay pa sa mundo. Walang pagpapahalaga sa pamilya.
Batong-bato na ang mga ito sa kanya-kanyang buhay at maaring sila na rin mismo ang magsabi nito... *#?@!+^#?! ....anak ng tupa naman!
1 comments:
Check out the search for "OKEY KA, PINOY KA!" BLOGS.. visit www.broodonline.com for details.
Post a Comment