As Published on One Manila News magazine
Streetsmart
ni Greg Lopez January 2019
Babaha ng
Pera
Malayo
pang ang eleksyon ay sandamakmak ang post sa Social Media ng mga kandidato na
nag-iikot. Pagalingan, iringan at patalbugan. Ang mga suporters kanya-kanyang
selfie kasama ang kani-kanilang manok.
Gaano ba kadugo lumahok sa pulitika?
Kung nais lamang na kumandidato at makatulong sa bayan, bakit
kinakailangan pang gumastos ng napakalaking halaga? Kung campaign materials
lang ang pag-uusapan tulad ng mga polyeto at tarpolin, di naman gaanong
kalaking halaga ang gugugulin lalo na kung local na posisyon lamang ang tatakbuhin.
Hindi bababa sa limang milyong piso ang kinakailangan para
sa maayos na kampanya ng isang Konsehal dito sa Maynila. Sa District 2 may
gumastos pa nga ng pitong milyon at sa
kasamang palad ay natalo pa. At bakit nga ba grabe ang gastusan?
Ang bagito sa larangan ng pulitika dapat alam na hindi
aandar ang sasakyan ng walang gasolina. Pag-nagpatawag siya ng
miting sa barangay iniexpect nila na
mamamantikaan ang mga nguso nila. Hindi natin nilalahat pero sa kalakaran
ngayon ang tawag nila "matik yan" o automatic. Di na kailangan tanungin
o ipaliwanag - understood na. Kung magbigay siya ng 200 bawat tao na tumulong mag organisa ng patawag
sa barangay eh magtatampo pa ang mga ito.
Mas gusto nilang makita yung mukha ng mga Aquino sa pera at ayaw nila ng manipis na tshirt
dahil di daw mapakinabangan . Bukod pa yan sa meryenda o pagpapakain ng lugaw sa mga bata at mga konstituwents. .
Dagsa din ang hiling na uniporme ng
basketball at bola dahil pag summer uso ang pa liga. Bawat lamay ng patay isang libo ang pinaka
mahinang pakikiramay at siguradong makikiramay din naman ang
kalaban . Humanda din sa pagpapahiram ng silya at tolda at sa pang arkila
ng dyip para sa libreng sakay sa libing.
Hindi biro ang bumuo
ng isang team para sa kampanya. May
campaign manager, team leader at coordinators, na bukod sa may sweldo na ay pakakainin pa. Sa headquarters kung saan tatambay din ang
mga alipores laging madaming tao at
magulo. Hindi pwedeng gawing HQ ang bahay
, malamang na gagastos din sa bayad
sa upa. Maraming hihingi ng tulong sa
ibat ibang klase ng dahilan. Dagsa ang dumarating na may dalang reseta -konting tulong lang pambili ng
gamot. Ang mga magkakabit ng tarpolin sa
poste kada isang daan piraso, isang libo ang gusto bukod sa pakain . Mga
sidecar na kakabitan ng poster sa likod may bayad din. Sasakyan, gasolina, pang-galaw at pagkain ng tao pa lamang sa araw araw ay
sadyang napakalaking pera na. Sadyang
nakalilito rin ang estado ng kampanya dahil ayon sa ng mga tauhan - "malakas" para di ka
ma-discourage. Laging mataas ang rating
at maganda ang resulta ng mga evaluation
ng botante. Sa huli, dahil sa dami ng kaplastikan, iisipin parin ng kandidato na ang panalo pala ay
tsamba-tsamba lang talaga.
May kasabihan, pag wala kang pera wag ka nang sumali sa
politika. Sa totoo lang, maraming nais na maglingkod sa kapwa ng bokal sa
kanilang kalooban ngunit 'kapos kapalaran'. Kulang sa pondo kaya umaayaw na lamang dahil sa ganang kanila
"pera-pera" na ang labanan.
Bakit nagkaganito? Ano naman ba ang nasa utak ng botante?
Iba-iba ang nasa isip nila depende sa estado sa buhay. Ayon
sa statistika ang socio-economic class
ay hati sa limang antas : ABCDE pero
para mas simple, hinati na lamang ito sa tatlo: 1. mayaman o high income , 2. middle-class
o middle income at 3. mahirap o low income. Ito ang datos sa pangkaraniwang playing field
pero sa kampanyang pang lokal ang statistika ay base din sa lokasyon dahil may
mga high-end na lugar.
1. Mayaman ay wala pa sa 2%
ng populasyon. Not for sale ang boto ng
antas na ito "for obvious reasons". Malamang sa malamang sila pa ang
nag-aambag sa kampanya ng kandidato at kung hindi man pipiliin nila ang kandidatong
madaling lapitan. Ang concern nila ay pangakong di magtataas ng amilyar o buwis at may malasakit sa namumuhunan o investor.
2. Middle class
tinatayang nasa 30%. Karaniwang may sariling bahay at mga edukado , may
maliit na negosyo o mga di-opisina. Napakaliit ng tyansa na ipagbili nila ang
kanilang boto . Dahil sa hindi naman sila hirap sa buhay, ang kinabukasan ng
bansa ay mahalaga sa kanila. Karamihan patriotiko at galit sa nangungurakot . Maari silang magbase sa popularidad pero hindi
sa pera.
3. Mahirap at maralita na may majority na 68%. Sinusuyo at sinusuyod, niroronda at kinakamayan ,
tinutumpok at papangakuan at pinakikisamahan. Ang driving force ng kampanya ay sa kanila naka-sentro
. Hindi lahat pero lamang ang popularidad
at pera. Pagnakuha ng kandidato ang kanilang
sentimyento siguradong panalo. Sa mga
batikan sa maruming pamumulitika, kinakamada
na ang voters list at ba-badyetan ng tig-lilimang daan. Malaki ang tyansa na mabibili
ang boto.
Di na marahil maiisip ang kinabukasan ng bayan kung kumakalam
ang tiyan. Ang kandidatong nagbigay ay siyang
iboboto dahil ang katwiran ay ito: Ok na
bayaran at makinabang ngayon dahil wala naman silang mapapala pagnanalo na ang
kandidato. Hu u? na sila at sa muling pagkikita after 3 years.
Lumalala na ang pananaw ng karaniwang tao sa pulitiko. Ang
paniwala ng karamihan ay sa laki ng gastos sa kampanya , mababawi naman daw pag
naka-upo na sa pwesto. Matik na rin sa isip ng iba na magpapayaman o
mangungurakot ang mga tumatakbo at ang
hinahabol ay pera at kapangyarihan.
Kung susumahin, ang mga pangako ay salita lamang na walang
halaga sa botante. Madaling mangako at
marami nga sa mga pangako ay napapako. Madalas nanalo ang mga sikat, matunog ang
pangalan at galante sa gastusan. Kung ang statistika ay gagawing gabay sa kampanya at pagpanalo ng kandidato ay talagang babaha ng
pera sa tag-araw.


No comments:
Post a Comment