Nakaupo ako noon at nanunuod sa mga istambay na nagsusugal ng barya-barya ng dumating si Mang Utoy na hindi maipinta ang mukha sa galit. Nakisalagmak siya sa mga nagka-kara y krus na mga binatilyo at sumali sa pagsusugal ng mga ito.Maya-maya ay dumating ang kanyang asawang si Ibeng na may yapos na kumot.
"Oy, Utoy," sigaw niya sa asawa na naghahagis ng barya sa ere.
"Umokey na si Taliban pero magbabayad na raw tayo simula bukas!"
Hindi man lamang siya liningon ni Utoy na wari mo ay abala sa kara y krus .Parang walang narinig, walang kakurap-kurap ang tingin ng mga mata niya sa bagsak ng tatlong barya. Parang may sariling mundo at ni hindi nga yata pinansin ang pagsungalngal ng asawa niyang si Ibeng.
Umutang pala si Ibeng kay Taliban alias "5-6", ang Bumbay na nagpapautang sa mga may maliliit na negosyo at tindahan sa aming lugar. Sa limang libong hiniram para ipang tuition ng anak ni Utoy, kakaltasin agad ang ikaanim na bahagi bilang interes at pwersado pang kumuha ng items na nagkakahalaga ng P800 mahigit. Ang bayad rito ay aawasin pa sa hiniram na pera. Anim na libo ang tutal na babalik kay Taliban sa araw -araw na hulog na aabot ng 40 days.
Napakalupit ng transaksyon na yon na ikinagalit ni Utoy. Wala naman siyang "choice" dahil napakahina ng benta ng kanyang maliit na tindahan.
"Hindi ko pa nga naibabayad sa iskul ng anak ko yung pera, kinabukasan lang maghuhulog na ko ng P125. Ang dami na naming kumot, kailangan pang kumuha ng kumot at electric fan!" ang singhal ni Utoy sa tagayan kinagabihan.
Baliwala naman kay Taliban kung magsisimangot si Utoy sa kanya dahil kung di sa kanya di makapag exam ang anak ng mag-asawa. Tatawa-tawa lamang siya na parang sanay-na-sanay na sa mga konting pula at aberya ng kanyang raket. Hindi naman siya namimilit na utangan siya dahil kung kakagat ka lamang sa mga kondisyon niya tsaka ka lamang pauutangin. At patawa niyang sabi nung makausap ko siya,"Malamig pa naman sa umaga pag January,magagamit naman ang kumot- at summer na kailangan na rin yung electric fan."
Dagdag pa niya, baka sakaling madagdagan daw anak nina Utoy dahil malamig ang klima sabay ngiting aso at sakay sa motorsiklo niya.
Tuloy-tuloy lang ang buhay kasi "life must go on". Pero ang mabaon sa utang...anak ng tupa naman!
ANAK NG TUPA NAMAN! ni Greg Kordero
February 2008
0 comments:
Post a Comment