20080202

Time Tayo!

Nakaraang araw lamang, katanghaliang tapat ng ako ay mapagawi dyan sa may panulukan ng C.M.Recto at Avenida sa Maynila. Habang nag-aabang ng dyip na masasakyan patungong Blumentritt, nagpatingin-tingin ako sa mga babasahing nakalatag sa bangketa. Isang dalagitang makapal ang meyk-ap ang kumalabit sa akin at nagsabi ng pabulong- "Time tayo!"

Sa kakulangan ko ng kamuangan o eksperyensa sa mga bagay sa kamunduhan ay hindi ko na-"gets" ang nais niyang ipahiwatig kaya't napatitig ako sa kanya at baka kakilala ko siya.

Balingkinitan siya, may kaputian at wari ko ay parang estudyante sa collegio ang edad. Marungis ang kanyang balat at mukhang gutom. Napatitig ako sa kanya at natigilan.

"Short time!," sabi niya ng may kaunting kalakasan na parang ginulat ako para ako maalimpungatan sa aking pagka-tulala.

Na-shock ako! P200 lang daw at tiyak na masisiyahan na ako. Nag-blush ako sa kahihiyan ko sa aking sarili na baka may makakita sakin na kilala ko at isiping sinadya kong tumayo sa lugar na iyon upang makadampot.

Agad akong lumayo at umiwas sa dalagita na bahagya pang sumunod na nag follow-up ng "sige P150!"

Nakahinga ako ng maluwag pagdating ko sa kanto ng Doroteo Jose.

Nalungkot ako sa aking inasal na parang nandiri ako sa babaing iyon. Awang-awa ako sa kanya.
Sadyang napaka-bata niya pa para mawalan ng dangal sa sarili.

Sino kaya ang dapat sisihin? Naryang murahin ko ang gubyerno, isumpa ang mga kurakutistang pulitiko dahil sa hirap ng pamumuhay o kainisan ang mga walang kwenta niyang mga magulang o sisihin mismo ang dalagita sa kanyang kabuktutan at baka nalulong siya sa droga!

Ang mga tulad niya na naglipana sa lugar na iyon ay mga walang kakayanan na makatayo sa sarili sa mas disenteng paraan. Ginagamit ang kanilang murang katawan ng kung sino-sino. Hindi magtatagal ay maaring mahawa siya ng venereal disease na lalong magpapabigat sa kanyang malupit na kapalaran.

Sanhi ito ng kawalan ng ibang kakayanan o skills. Kakulangan ng mga opportunidad sa maayos na hanapbuhay na maaring mapasukan. Marahil kung mas maraming nakalaang trabajo sa mga katulad niya sa bansang ito ay naiba sana ay kinasapitan ng dalagitang iyon.

Haaaay! Kaya habang maayos pa ang ating pamumuhay, sikapin nating huwag itong pabayaan. Bigyan natin ng halaga ang bawat sandali at mga pagkakataong dumarating. Pagbutihin ang ating mga gawain, magpasalamat sa mga biyaya at isipin natin na mas mabuti ang kinasadlakan natin sa buhay kaysa sa mga bumubulong ng "time tayo".


Anak ng Tupa Naman!


Philippines Blog Contest

0 comments: