Masayang nagkwekwentuhan ang mga pasahero ng sinasakyan kong dyip. Mag aalas-dyes palang ng umaga at hindi masyadong siksikan ng sumampa ako sa estribo nito sa Cubao. Bagong-bago pa ang napili kong dyipning biyaheng Quiapo at medyo bata at mukhang pasaway ang drayber."Tiempo ito", wika ko sa aking sarili dahil ako'y nagmamadali at namimili talaga ng drayber na mukhang kaskasero.
Anim lamang kaming pasahero sa likod. Tatlong babaeng mukhang nag-oopisina na nag hahalakhakan sa kwentuhan nila, isang babae sa likod ng drayber na patext-text at dalawa kaming lalaki na nakaupo malapit sa estribo.
Pagsakay ko pa lamang sa Cubao, napansin ko na agad yung lalaking yon na katapat ko sa upuan. Binatilyo siya, medyo payat at may kaitiman at kapansin-pansin din ang nakalawit niyang hikaw sa tenga. Masyadong malikot ang kanyang mga mata at parang di siya mapalagay.
Masama na agad ang kutob ko kaya't naisip kong pag dating sa banda roon ng kaunti , sa may St. Luke's ay bababa na ko at lilipat ng ibang dyip.
Naudlot ang aking iwas pusoy! Paglampas pa lamang namin ng stoplight ng New York Street,
bumunot na ito ng balisong, isang nangingintab na beite-nueve!
"Ooops!Oooops! Walang papalag! Grigripuhan ko kayo!", ang sabi niya na nanlilisik ang mga mata habang tinututok sa amin ang balisong. "Labas lahat ng wallet at cellphone!"
Nangatog ang mga tuhod ko sa nerbyos! Bukod sa baryang hawak ko, sinkwenta pesos lang laman ng wallet ko at 3310 lang ang celpon ko, baka bweltahan ako nito! Wala rin naman sa isip ko na lumaban at tanghaling bayani, dahil pag ako'y naundayan ng saksak baka malaki pa magastos ko sa ospital o pagkapehan ako ng mga kapitbahay ko!
Napakabilis ng pangyayari at sa isang iglap ay nalimas niya lahat ang gamit ng mga pasahero. Wala namang reklamo sa nakurakot niya sakin dahil nakarami siya sa iba. Tulala ang lahat ng bumaba ang holdaper sa may tulay sa Ilang-ilang. Mabilis itong tumakbo papuntang Kamuning at agad na naglaho sa karamihan ng mga tao sa iskwaters area pagtawid ng sapa.
Nag-iyakan ang mga babae, hagulgol pa iyong isang aleng nadugasan ng N97 na celphone. May nagsabi pa na bakit ni hindi ko man lamang daw pinatid yung holdaper at parang kinutya pa ang pagka lalaki ko. Nagsawalang kibo na lamang ako- hindi naman ako si Spiderman sa isip-isip ko.
"Tatlong beses na pong nangyari yan sa loob ng dalawang linggo", sabi ng drayber ng dyip. "Iba-iba po sila, nung minsan grupo-tatlo. Mahirap po sa aming drayber ang pumalag at baka kami tambangan! Ingat na lang po tayo."
Anak ng tupa naman...hindi rin siya si Spiderman!
0 comments:
Post a Comment