Dahil hawig kay Babalu ang tabas ng mukha niya, binansagan siyang "baba". Marahil kung naging babae siya "ai-ai" o "pokwang" ang bansag sa kanya.Sa lugar namin sa San Miguel sa Manila, siya ang terror ng mga kawawang nilalang na hindi makabayad sa mataas na singil ng Meralco. Ang mga taong ito ang mga nakatanggap na ng abiso o disconnection notice mula sa kumpanya ng mga Lopez.
"Tol', siya ang namumutol!"
Simpleng simple lang naman ang diskarte sa buhay ng mahabang baba na ito. Ika nga, malinis trumabaho. Marunong umiwas sa sabit dahil mahirap pakiusapan, kuno.
Sanay na ang mga di makabayad sa oras sa kanya at sa pakiwari ko ay hasang hasa na siya sa gimik niya dahil kamukat-mukat mo ay napakalaki pa ng utang na loob ng mga nakiusap sa kanya.
Sa unang bugso palang ng pagtatanung niya, parang napaka "by-the-book" ang dating ng hinayupak na ito.
"Pakita lang po ang resibo kung nagbayad na kayo?", ang lagi niyang pasok na hawak-hawak ang plais, na animo sa sandaling wala kang pinakita,-putol ang katapat!
Iiling-iling pa ito, na wari ay masama sa kalooban niya ang gagawin sakaling wala kang resibong mailabas.
"Trabajo lang po!" sunod niyang banat na style Rudy Fernandez. May tingin sa langit pang patutsada, animo "walang personalan" kuno.
Medyo magpapa-tumpik-tumpik naman ang sbobiz boy, natitigilan, may hinihintay bago niya lagutan ng hininga ang electric fan o tv mo. Ano pa nga ba di ang magic word: "Baba, pwede bang aregluhin na muna natin to ngayon, babayaran ko naman bukas."
Iiling-iling nanaman si Baba, pero unti-unti na niyang ibababa ang hawak niyang plais at sasabihin;
"Bayaran mo yung additional P30 na reconnection fee ha" ng may halong konting simpatya sa mukha na akala mo naawa pa sa pobreng puputulan niya pero mabilis namang silid sa bulsa ng P50 na areglo sa kanya. Pag mataas ang bill, aatungal pa "gawin mo namang isang daan".
Walang kasabit-sabit ang panga ni Baba sa diskarte na to. Sa halip na putulan ka at baliktarin ang metro ng kuryente, puputulin niya lang ang selyo ng metro- nagpapatunay na ginampanan niya ang kanyang tungkulin.
Kapag nabayaran na, may dumarating namang tao na nagseselyong muli ng metro.
Sa tinagal-tagal na ng modus niya na to, malaki na rin ang kinita ni Baba. Di mo maikakaila na naging maayos na ang buhay niya sapagkat dati rati, naka bisikleta lamang siya. Ngayon, dalawa na motorsiklo niya at mukhang nag Vicky Belo pa, dahil parang kumikinis na ang dating lubak-lubak na kutis niya!
Ganyan na yata ang buhay sa Pinas. Di ka mapapalagay kung wala kang pang lagay sa mga emergensing tulad nito!
Anak ng tupa talaga....
0 comments:
Post a Comment