20080205

Sa Tarima Nagsisinghutan

Sa may dulo, malapit sa malaking tubo ng MWSS, sa tabing estero ang tarima ni Pareng Epok. Doon ko siya pinuntahan dahil sa binenta niyang dobol dek na kama na ilalagay ko sa kwarto ng mga bata. Kulang pala ng paa yung kama ng aming inasembol kaya't hahabulin ko sa kanya.

Isang maliit na dampa ang kanyang tarima sa paligid ng iba't iba pang dampa sa lugar ng mga iskwater na nagsipagtirik sa tagiliran ng masukal na estero. Pagkabukas niya ng pintong lawanit ay para siyang nagulat ng ako ay makita.

Sinabi ko ang aking pakay at ako ay kanyang pinapasok at inalok mag-dyaming. Natawa lamang ako at marahan kong tinanggihan ang kanyang alok at patawa kong sinabi na katatapos ko lamang.

Noon lamang ako nakasaksi ng gumagamit ng shabu. Kung baga ay nasa ringside ako ng labanan!
Si Jun 'Pilay' ang kadyaming niya, isang barangay tanod sa aming lugar.

Pinagmamalaki pa ni Pareng Epok ang kanyang tooter. Isang tubong kristal o yari sa salamin na may lagayan ng tubig sa may gitna. Nakakaipon raw ito ng mga residue sa gitna na maaaring pakinabangan pang muli.

Ngayon lamang ako nakasaksi ng paggamit ng "shabu" o "bato" at sa aking palagay, dahil sa kagaanan ng loob ni Pareng Epok sakin ay may hinala siya na user din ako. Sa pakiwari ko ay
hinuhuli niya ang loob ko kung bibigay ako at aamin na gumagamit din ako ng shabu.

Dalawa sila ni Pilay na naghalinhinan sa pagsinghot ng usok mula sa isang palarang nakatupi na kung saan nakasalo ang mga "granules". Pabalik-balik ang nakasinding lighter sa ilalim, habang nilulusaw ng init at umuusok ang mga maliiit na bato na siya namang sinisinghot gamit ang tooter.

Solve na sila at mukhang mga high na high na ng ako ay lumisan ng mga alas-sais na ng gabi.
Wala na namang tulugan ang mga aswang na ito at sa malamang ay susundutin pa nila ang tama nila ng bilog o grandma mamaya sa kanto para lalong maenjoy nila ang byahe.

Sanay na akong matagayan kapag napadaan ako sa kanilang mga umpukan tuwing gabi. Sadyang pakikisama na lamang ang buhay dito sa barangay. Ang tanging kinatatakot ko lamang ay baka mabuyo nila ang aking mga anak na walang kamuang-muang sa mga bisyong ito.

Ganito sa kanila ang buhay- ang tarima ang tahanan. Marami sa kanila hiwalay sa asawa at nagkakapalitan pa! Pa "placing-placing" na lang, pa-alok alok na lamang ng kung anu-anong bagay, nakaw man o hindi, basta't pagkakaperahan.

Mas mahalaga sa kanila ang maka-iskor ng datong na pambili ng gamit bukas kaysa sa ano mang bagay pa sa mundo. Walang pagpapahalaga sa pamilya.

Batong-bato na ang mga ito sa kanya-kanyang buhay at maaring sila na rin mismo ang magsabi nito... *#?@!+^#?! ....anak ng tupa naman!

Philippines Blog Contest

20080204

Lumalalang Holdapan

Masayang nagkwekwentuhan ang mga pasahero ng sinasakyan kong dyip. Mag aalas-dyes palang ng umaga at hindi masyadong siksikan ng sumampa ako sa estribo nito sa Cubao. Bagong-bago pa ang napili kong dyipning biyaheng Quiapo at medyo bata at mukhang pasaway ang drayber.

"Tiempo ito", wika ko sa aking sarili dahil ako'y nagmamadali at namimili talaga ng drayber na mukhang kaskasero.

Anim lamang kaming pasahero sa likod. Tatlong babaeng mukhang nag-oopisina na nag hahalakhakan sa kwentuhan nila, isang babae sa likod ng drayber na patext-text at dalawa kaming lalaki na nakaupo malapit sa estribo.

Pagsakay ko pa lamang sa Cubao, napansin ko na agad yung lalaking yon na katapat ko sa upuan. Binatilyo siya, medyo payat at may kaitiman at kapansin-pansin din ang nakalawit niyang hikaw sa tenga. Masyadong malikot ang kanyang mga mata at parang di siya mapalagay.
Masama na agad ang kutob ko kaya't naisip kong pag dating sa banda roon ng kaunti , sa may St. Luke's ay bababa na ko at lilipat ng ibang dyip.

Naudlot ang aking iwas pusoy! Paglampas pa lamang namin ng stoplight ng New York Street,
bumunot na ito ng balisong, isang nangingintab na beite-nueve!

"Ooops!Oooops! Walang papalag! Grigripuhan ko kayo!", ang sabi niya na nanlilisik ang mga mata habang tinututok sa amin ang balisong. "Labas lahat ng wallet at cellphone!"

Nangatog ang mga tuhod ko sa nerbyos! Bukod sa baryang hawak ko, sinkwenta pesos lang laman ng wallet ko at 3310 lang ang celpon ko, baka bweltahan ako nito! Wala rin naman sa isip ko na lumaban at tanghaling bayani, dahil pag ako'y naundayan ng saksak baka malaki pa magastos ko sa ospital o pagkapehan ako ng mga kapitbahay ko!

Napakabilis ng pangyayari at sa isang iglap ay nalimas niya lahat ang gamit ng mga pasahero. Wala namang reklamo sa nakurakot niya sakin dahil nakarami siya sa iba. Tulala ang lahat ng bumaba ang holdaper sa may tulay sa Ilang-ilang. Mabilis itong tumakbo papuntang Kamuning at agad na naglaho sa karamihan ng mga tao sa iskwaters area pagtawid ng sapa.

Nag-iyakan ang mga babae, hagulgol pa iyong isang aleng nadugasan ng N97 na celphone. May nagsabi pa na bakit ni hindi ko man lamang daw pinatid yung holdaper at parang kinutya pa ang pagka lalaki ko. Nagsawalang kibo na lamang ako- hindi naman ako si Spiderman sa isip-isip ko.

"Tatlong beses na pong nangyari yan sa loob ng dalawang linggo", sabi ng drayber ng dyip. "Iba-iba po sila, nung minsan grupo-tatlo. Mahirap po sa aming drayber ang pumalag at baka kami tambangan! Ingat na lang po tayo."

Anak ng tupa naman...hindi rin siya si Spiderman!

Philippines Blog Contest

20080203

Umaasa sa Bumbay

Nakaupo ako noon at nanunuod sa mga istambay na nagsusugal ng barya-barya ng dumating si Mang Utoy na hindi maipinta ang mukha sa galit. Nakisalagmak siya sa mga nagka-kara y krus na mga binatilyo at sumali sa pagsusugal ng mga ito.

Maya-maya ay dumating ang kanyang asawang si Ibeng na may yapos na kumot.

"Oy, Utoy," sigaw niya sa asawa na naghahagis ng barya sa ere.
"Umokey na si Taliban pero magbabayad na raw tayo simula bukas!"

Hindi man lamang siya liningon ni Utoy na wari mo ay abala sa kara y krus .Parang walang narinig, walang kakurap-kurap ang tingin ng mga mata niya sa bagsak ng tatlong barya. Parang may sariling mundo at ni hindi nga yata pinansin ang pagsungalngal ng asawa niyang si Ibeng.

Umutang pala si Ibeng kay Taliban alias "5-6", ang Bumbay na nagpapautang sa mga may maliliit na negosyo at tindahan sa aming lugar. Sa limang libong hiniram para ipang tuition ng anak ni Utoy, kakaltasin agad ang ikaanim na bahagi bilang interes at pwersado pang kumuha ng items na nagkakahalaga ng P800 mahigit. Ang bayad rito ay aawasin pa sa hiniram na pera. Anim na libo ang tutal na babalik kay Taliban sa araw -araw na hulog na aabot ng 40 days.

Napakalupit ng transaksyon na yon na ikinagalit ni Utoy. Wala naman siyang "choice" dahil napakahina ng benta ng kanyang maliit na tindahan.

"Hindi ko pa nga naibabayad sa iskul ng anak ko yung pera, kinabukasan lang maghuhulog na ko ng P125. Ang dami na naming kumot, kailangan pang kumuha ng kumot at electric fan!" ang singhal ni Utoy sa tagayan kinagabihan.

Baliwala naman kay Taliban kung magsisimangot si Utoy sa kanya dahil kung di sa kanya di makapag exam ang anak ng mag-asawa. Tatawa-tawa lamang siya na parang sanay-na-sanay na sa mga konting pula at aberya ng kanyang raket. Hindi naman siya namimilit na utangan siya dahil kung kakagat ka lamang sa mga kondisyon niya tsaka ka lamang pauutangin. At patawa niyang sabi nung makausap ko siya,"Malamig pa naman sa umaga pag January,magagamit naman ang kumot- at summer na kailangan na rin yung electric fan."

Dagdag pa niya, baka sakaling madagdagan daw anak nina Utoy dahil malamig ang klima sabay ngiting aso at sakay sa motorsiklo niya.

Tuloy-tuloy lang ang buhay kasi "life must go on". Pero ang mabaon sa utang...anak ng tupa naman!

ANAK NG TUPA NAMAN! ni Greg Kordero

February 2008


Philippines Blog Contest

20080202

Time Tayo!

Nakaraang araw lamang, katanghaliang tapat ng ako ay mapagawi dyan sa may panulukan ng C.M.Recto at Avenida sa Maynila. Habang nag-aabang ng dyip na masasakyan patungong Blumentritt, nagpatingin-tingin ako sa mga babasahing nakalatag sa bangketa. Isang dalagitang makapal ang meyk-ap ang kumalabit sa akin at nagsabi ng pabulong- "Time tayo!"

Sa kakulangan ko ng kamuangan o eksperyensa sa mga bagay sa kamunduhan ay hindi ko na-"gets" ang nais niyang ipahiwatig kaya't napatitig ako sa kanya at baka kakilala ko siya.

Balingkinitan siya, may kaputian at wari ko ay parang estudyante sa collegio ang edad. Marungis ang kanyang balat at mukhang gutom. Napatitig ako sa kanya at natigilan.

"Short time!," sabi niya ng may kaunting kalakasan na parang ginulat ako para ako maalimpungatan sa aking pagka-tulala.

Na-shock ako! P200 lang daw at tiyak na masisiyahan na ako. Nag-blush ako sa kahihiyan ko sa aking sarili na baka may makakita sakin na kilala ko at isiping sinadya kong tumayo sa lugar na iyon upang makadampot.

Agad akong lumayo at umiwas sa dalagita na bahagya pang sumunod na nag follow-up ng "sige P150!"

Nakahinga ako ng maluwag pagdating ko sa kanto ng Doroteo Jose.

Nalungkot ako sa aking inasal na parang nandiri ako sa babaing iyon. Awang-awa ako sa kanya.
Sadyang napaka-bata niya pa para mawalan ng dangal sa sarili.

Sino kaya ang dapat sisihin? Naryang murahin ko ang gubyerno, isumpa ang mga kurakutistang pulitiko dahil sa hirap ng pamumuhay o kainisan ang mga walang kwenta niyang mga magulang o sisihin mismo ang dalagita sa kanyang kabuktutan at baka nalulong siya sa droga!

Ang mga tulad niya na naglipana sa lugar na iyon ay mga walang kakayanan na makatayo sa sarili sa mas disenteng paraan. Ginagamit ang kanilang murang katawan ng kung sino-sino. Hindi magtatagal ay maaring mahawa siya ng venereal disease na lalong magpapabigat sa kanyang malupit na kapalaran.

Sanhi ito ng kawalan ng ibang kakayanan o skills. Kakulangan ng mga opportunidad sa maayos na hanapbuhay na maaring mapasukan. Marahil kung mas maraming nakalaang trabajo sa mga katulad niya sa bansang ito ay naiba sana ay kinasapitan ng dalagitang iyon.

Haaaay! Kaya habang maayos pa ang ating pamumuhay, sikapin nating huwag itong pabayaan. Bigyan natin ng halaga ang bawat sandali at mga pagkakataong dumarating. Pagbutihin ang ating mga gawain, magpasalamat sa mga biyaya at isipin natin na mas mabuti ang kinasadlakan natin sa buhay kaysa sa mga bumubulong ng "time tayo".


Anak ng Tupa Naman!


Philippines Blog Contest

20080201

Tol Namumutol

Dahil hawig kay Babalu ang tabas ng mukha niya, binansagan siyang "baba". Marahil kung naging babae siya "ai-ai" o "pokwang" ang bansag sa kanya.

Sa lugar namin sa San Miguel sa Manila, siya ang terror ng mga kawawang nilalang na hindi makabayad sa mataas na singil ng Meralco. Ang mga taong ito ang mga nakatanggap na ng abiso o disconnection notice mula sa kumpanya ng mga Lopez.

"Tol', siya ang namumutol!"

Simpleng simple lang naman ang diskarte sa buhay ng mahabang baba na ito. Ika nga, malinis trumabaho. Marunong umiwas sa sabit dahil mahirap pakiusapan, kuno.

Sanay na ang mga di makabayad sa oras sa kanya at sa pakiwari ko ay hasang hasa na siya sa gimik niya dahil kamukat-mukat mo ay napakalaki pa ng utang na loob ng mga nakiusap sa kanya.

Sa unang bugso palang ng pagtatanung niya, parang napaka "by-the-book" ang dating ng hinayupak na ito.

"Pakita lang po ang resibo kung nagbayad na kayo?", ang lagi niyang pasok na hawak-hawak ang plais, na animo sa sandaling wala kang pinakita,-putol ang katapat!

Iiling-iling pa ito, na wari ay masama sa kalooban niya ang gagawin sakaling wala kang resibong mailabas.


"Trabajo lang po!" sunod niyang banat na style Rudy Fernandez. May tingin sa langit pang patutsada, animo "walang personalan" kuno.

Medyo magpapa-tumpik-tumpik naman ang sbobiz boy, natitigilan, may hinihintay bago niya lagutan ng hininga ang electric fan o tv mo. Ano pa nga ba di ang magic word: "Baba, pwede bang aregluhin na muna natin to ngayon, babayaran ko naman bukas."

Iiling-iling nanaman si Baba, pero unti-unti na niyang ibababa ang hawak niyang plais at sasabihin;
"Bayaran mo yung additional P30 na reconnection fee ha" ng may halong konting simpatya sa mukha na akala mo naawa pa sa pobreng puputulan niya pero mabilis namang silid sa bulsa ng P50 na areglo sa kanya. Pag mataas ang bill, aatungal pa "gawin mo namang isang daan".


Walang kasabit-sabit ang panga ni Baba sa diskarte na to. Sa halip na putulan ka at baliktarin ang metro ng kuryente, puputulin niya lang ang selyo ng metro- nagpapatunay na ginampanan niya ang kanyang tungkulin.

Kapag nabayaran na, may dumarating namang tao na nagseselyong muli ng metro.

Sa tinagal-tagal na ng modus niya na to, malaki na rin ang kinita ni Baba. Di mo maikakaila na naging maayos na ang buhay niya sapagkat dati rati, naka bisikleta lamang siya. Ngayon, dalawa na motorsiklo niya at mukhang nag Vicky Belo pa, dahil parang kumikinis na ang dating lubak-lubak na kutis niya!


Ganyan na yata ang buhay sa Pinas. Di ka mapapalagay kung wala kang pang lagay sa mga emergensing tulad nito!

Anak ng tupa talaga....

Philippines Blog Contest